Tahanan
Synopsis: Tatlong manunulat. Iba’t ibang kwento ng paglalakbay. Iisang destinasyon. Tatlong manunulat na inatasang lumimbag ng maikling kwento patungkol sa kanilang mga tahanan. Tunguhin nilang dalhin ang kanilang mga mambabasa sa pagbaybay gamit ang mga letra. Ang unang manunulat ay magtutungo sa tahanan kung saan siya nagmula. Ang pangalawa naman ay maliligaw, malulunod at mahuhulog, dahil sa paghahanap ng bagong tahanan na mayroon naman na siya. Samantala, ang huling manunulat ay walang tahanan ngunit makahahanap siya ng tahanang hindi katulad ng bahay o lugar, hindi tahanang may bubong kundi tahanang may mukha. Dadalhin niya tayo sa tahanang walang haligi subalit matibay, sa tahanang laging bukas at sa tahanang sa papel ay ating mababagtas.
Nagpapabilisan ang paghakbang ng mga daliri sa lubak-lubak na daan ng makinilya at kompyuter sa isang ‘di kilalang limbagan ng pahayagan sa Tuguegarao City, Cagayan. Tahimik at mahigpit ang pagkakatikom ng mga bibig ngunit maingay ang paligid dahil sa mga nagsusumigaw na puso at isip. Bigla-bigla ay huminto ang mga kamay sa pagbaybay. Umurong ang mga upuan at nagsitayuan ang lahat, maliban sa tatlong nakasuot ng headphones at nakikinig ng maingay na musika.
Pumasok ang punong patnugot sa loob ng opisina. Nagpatuloy ang tatlong manunulat sa pakikinig. Walang tumatayo. Wala ring nagtatangkang gumambala sa maingay nilang mundo. Tila ba sumasabay pa ang mga daliri ng tatlong manunulat sa pagtipa ng mga letra sa kumpas ng tugtuging kanilang pinakikinggan. Hanggang sa isa-isang nailapag ng punong patnugot ang isa sa mga kinakatakutang papel ng mga mamanunulat. Bagong proyekto, at maikling kwento pa.
Napaungol si Bobby. Talo na naman siya. “Bakit walang nagsabi sa akin na meron na si sir?”, impit niyang tanong sa kanyang mga katabi. Nagkibit-balikat lamang sila at nagpatuloy sa pagsusulat. Sinuri ni Bobby ang papel. Tungkol sa tahanan ang bagong proyekto. Agad na naisip ni Bobby ang probinsya. Sa barangay Amunitan, bayan ng Gonzaga, malapit sa mga beach resorts.
Sa Gonzaga lumaki si Bobby, ngunit simula noong nakahanap siya ng trabaho sa siyudad ay hindi na siya bumalik sa kaniyang tahanan. Kakaiba ang probinsyang pinagmulan niya. Sa pagkakaalala niya’y may kwento pa noon ang kanyang lolo tungkol sa bulkan malapit sa kanilang bayan, ang Mount Cagua. Marami ring rock formations at iba pang dagat na may puting buhangin sa kanila, katulad ng Matara at Tallag beach. At ang bahay rin ng kanyang lolo at lola ay malapit lamang sa ilog kung saan sila naliligong magpipinsan noon. Maliban sa tinitirhang bahay nila Bobby sa Tuguegarao, ang bahay ng kanyang lolo at lola sa Gonzaga ang itinuturing niyang tahanan.
Umuwi siya sa Gonzaga para siguraduhin na madadala niya ang kanyang mga mambabasa sa tahanang kanyang kinalakhan. Sa kanyang byahe pauwi sa kanyang tahanan ay sinimulan na niya ang pagsusulat. Hindi siya naantala ng mga tindero at tindera ng buko juice, mineral water, mani at umaalingasaw na itlog ng pugo sa loob ng bus. Sa paghinto ng sasakyan sa Eco-Tourism Park ng Nassiping, Gattaran kung saan bumibili ang mga pasahero ng sariwang gulay at prutas, ay hindi niya naiwasan ang pagkuha ng litrato. Pati sa may bilihan ng Alcala Milk Candy na produkto ng Alcala, Cagayan, sa Castle in the Sky na malapit sa Magapit Suspension Bridge ng Lal-lo kung saan mabibili ang masarap na Tinupig o Tupig at pati na rin ang paghinto ng drayber sa Cagayan North International Airport sa Lal-lo ay hindi pinalampas ni Bobby. Panay ang kuha niya ng mga larawan habang dinadama ang tunog ng kantang “Ride Home” ng Ben & Ben sa kanyang suot na earphones.
Hanggang sa wakas, “WELCOME TO GONZAGA”, kumikinang pang nakaukit sa malaking arko. “Wala pa ito dati”, bulong ni Bobby sa kanyang sarili. Hanggang sa maabot nila ang kulay kahel na tulay. “Sirok Ti Rangtay?”, tanong ni Bobby. Hindi niya sigurado kung ito na ba yung dating ilog na pinupuntahan nila noong siya’y highschool pa lamang. Gonzaga Riverview Hotel na rin ang pangalan nito at may hanging bridge pa. Nang makarating sa Municipal Hall ay agad hinanap ng kanyang mga mata ang sirena sa harap ng munisipyo, ngunit fountain na lamang ang bumungad sa kanya. Nakapanlulumo dahil tila naging turista siya sa itinuturing niyang tahanan. Tila ba nabigo niya ang kaniyang sarili. Ngunit nang marating niya ang bahay na kanyang kinalakhan ay hinagkan siyang muli ng kanyang lolo at lola na kulay puti na ang buhok. Binati rin siya ng mga malalakas na halakhak at pananabik ng kaniyang mga pinsan, na ngayon ay dalaga’t binata na. Nag-iba man ang kanilang itsura, Ang kanilang yakap at pagbati ay kasing tamis pa rin ng kahapon. Tinapik siya ng kaniyang lolo at bumulong, “ang itsura, napapalitan pero ang pagtanggap ay hindi kailanman mababago. Ilang ulit mo mang makalimutang bumalik dito, paulit-ulit ka pa ring tatanggapin ng tahanan mo.”
Samantala, naligaw naman si Ricky, ang pangalawang manunulat na nakatanggap ng proyektong katulad ng natanggap ni Bobby. Hindi niya alam kung saan siya tutungo. Nakatira dati si Ricky sa Claveria, ngunit wala siyang balak umuwi dito, dahil bukod sa malakas ang ulan, siguradong baha na naman doon. Sinubukan niyang maghanap ng bagong tahanan. Pumunta siya sa Callao Cave, sa Penablanca, Cagayan kung saan dati nagtatrabaho ang matalik niyang kaibigan bilang tourist guide, ngunit pagdating niya doon, nalaman niyang nangibang-bansa na pala ito. Gayon pa man nagpatuloy siya. Hingal na hingal siya at halos mahulog-hulog sa pag-akyat ng 183 steps patungo sa kweba. Nang makarating siya sa tuktok ay hindi niya rin nagawang makapagsulat dahil sa pagod at pagkahumaling sa ganda nito.
Sa kanyang pagbaba ay natagpuan niya ang Pinacanauan River sa Callao Cave National Park, naaliw siya sa mga naliligo sa kalmadong parte ng katubigan kaya’t lumangoy din siya at sa kalagitnaan ng pag-iisip ng tahanan at paglangoy ay hindi niya namamalayang nalulunod na siya sa pag-iisip at pagsisisid. “Muntik na”, bulong niya. Umahon siya’t dumeretso sa simbahan ng Our Lady of Piat sa Piat, Cagayan upang magpasalamat sa hindi niya pagkalunod at upang humiling ng bagong tahanan.
Sa kanyang byahe pauwi sa tinitirhan niyang kwarto sa Linao East, Tuguegarao City ay dumagsa ang tubig ulan. Nadatnan niyang basa lahat ang kanyang gamit. Ang tanging tahanang natitira na lamang sa kanya ay ang bahay nila sa Claveria. Bumyahe siya patungong Claveria. Huminto sila sa Zitanga, Ballesteros upang bumili ng patupat, linapet, suman at iba pang masasarap na kakaning produkto ng bayan na paborito ng kanyang ina. Naalala niya ang Claveria. Walang malls, food chains at sinehan na katulad nang mayroon sa siyudad, ngunit may Taggat Lagoon, Claveria View Deck, Sentinela Cove, El Dia Beach Resthouse, Pasaleng Beach at tahanang handang yumakap sa kanya sa kabila ng pagkaligaw, na wala sa mga napuntahan niyang lugar. At sa paghinto pa lamang ng sasakyan sa tapat ng kanilang bahay ay nalunod na siya sa pagmamahal. Ito ang tahanan niya at hindi na pala nya kailangan pang maligaw at maghanap ng iba.
Ang huling manunulat naman ay si Joyce. Katabi ng tinutuluyan niyang kwarto ang kwarto ni Ricky na binaha ng bagyo. Wala siyang mauwian, dumagdag pa ang proyektong kailangan niyang tapusin tungkol sa tahanan. Wala nga siyang masilungan ngayon, basa lahat ang kanyang gamit. Walang magulang, kapatid at tuluyan na sigurong nilimot ng kanyang mga kamag-anak. Napaupo na lamang si Joyce sa gilid ng kalsada, natatalsikan ng putik sa daan at sadyang napaka-cinematic nga naman. Bigla-bigla ay hindi na sya nababasa. Isang binatang moreno at matangkad, puno rin ng putik ang kanyang damit, may hawak siyang malaking asul na supot, nakangiti at sa kabilangkamay ay hawak niya ang payong na nakatapat sa ulo ni Joyce.
“Sumilong ka muna sa bahay.”, sambit ng binata. Wala namang kaduda-duda sa kanya kaya sumama na lang si Joyce. Hindi malaki ang bahay ng binata, ngunit nasa mataas na parte ito kaya hindi inabot ng baha. Bumungad sa loob ng bahay ang iba pang sinalanta ng bagyo. Ang kulay puting sahig at haligi ng bahay ay puno na ng putik.
Tinignan niya ang binatang may-ari ng bahay, nakangiti siya habang ibinibigay ang mga pagkaing nasa loob ng supot na hawak niya kanina. Nagulat si Joyce nang may lalaking nagbigay sa kanya ng damit, basang-basa rin ang lalaki kaya nagdalawang isip si Joyce. “Sige na, kunin mo na, may natitira pa naman akong ibang damit, tsaka matibay ako sa lamig.”, sambit ng nakangiting lalaki. “Ineng halika may kape pa kami dito, magpainit ka muna!” aligagang sigaw ng isang matandang babaeng may karga pang sanggol, ngunit hindi pa rin tumitigil sapag-asikaso sa mga iba ring nasalanta.
“Kumain ka muna”, sambit ng lalaking pumayong sa kanya kanina. “Salamat”, sambit ni Joyce habang iniaabot ang pinggan na may lamang pansit. Tumago ang binate at muling nagsalita, “Pasensya ka na sa bahay namin ah, medyo magulo, pero alam mo ba? Hindi naman talaga ito ang totoong tahanan ko. Ang tunay naman talagang tahanan ay hindi iyong may bubong, kundi iyong mukha at iyong handang yumakap sayo kapag nangungulila ka. Tahanan nating mga Cagayano ang Cagayan ngunit tayo ring mga Cagayano ay nagsisilbing tahanan para sa Cagayan at para sa isa’t isa.”.
Malalakas ang pagbugso ng hangin ngunit hindi natitibag ang bawat puso ng mga taong nasa loob ng tahanang ito. Binabalot sila ng lamig ngunit nanginginig man ang mga bibig ay masisilayan pa rin ang mainit na pagngiti. Ang ulan man ay hindi matahan, tahanan nila ang isa’t isa para sa matibay na paglaban. Hangad ni Joyce na madala ang kanyang mambabasa sa tahanan ito.
“Ate, nahulog mo po.”, biglang sambit din ng batang may iniaabot na lapis at papel na medyo basa na ang ibang parte ngunit kaya pa namang sulatan. Bumaling si Joyce sa bata at sa hawak nitong papel kung saan nakasulat ang titulong naisip niya para sa kanyang maikling kwento...”Tahanan”.